Sunday, March 23, 2008

alay-lakad

Pagod... at mas lalong nakakapagod.
Isa ako sa mga isinama (ng aking mga kaibigan) at humanay kasama ng mga taong nagsakripisyo para sumama sa alay-lakad nitong nakaraang biyernes.

Habang nilalakad ko ang kalsada ng antipolo, doon ko mas napansin ang mga mamamayang lango sa relihiyon, tila may rali o mobilisasyon.

Habang binabaka ko ang daan patungong simbahan, naramdaman ko ang sikip, ang init, gusto ko kumawala at hayaan na lang pagmasdan ang libu-libong tao. Marahil ganito rin kadami ang mga sawa na , galit at nais ng mapatalsik si Gloria.

Ang totoo, hindi talaga ako naniniwala sa mga ganitong bagay. Sa diyalektikong materyalismo, dapat lahat ng bagay may batayan. Kinakailangan ang perseptuwal , para masabi na may katotohanan. Ginagalang ko ang kung anuman ang paniniwala ng iba. Mas nanaig lamang marahil sa akin ang dahilan ng Espanya para sakupin ang Pilipinas---na ginamit lang ng mananakop na yaon ang relihiyon para tuluyang makuha ang yaman ng pilipinas.

Sabi nga ni Marx, “religion is an opium of the masses.” Binigyan tayo ng ganitong oryentasyon para makontrol nila tayo. Ang relihiyon din ay taliwas sa repleksyon ng material na katotohan at economic injustice. Kung ano ang problema sa relihiyon ay, ultimatong suliranin din ng lipunan--- ginagamit ng mga nananamantala upang gawing mabuti ang pagtingin ng mga tao kahit pa ang totoo, naghihirap at pinagsasamantalahan sila.

Sunday, March 16, 2008

Its a celebration. . .

Kanina nasaksihan ng buong bayan ang pagkapanalo ni Manny Pacquio. Ngunit kung tutuusin dapat bang ikatuwa ito ng taumbayan o hindi.

Oo--- dahil tagumpay ito para sa mga pinoy, nag-uwi na naman ng karangalan ang isang boksingero para sa kanyang bayan. At HINDI, dahil palakpak tenga na naman ang pangulo sa kanyang pagkapanalo. Malamang matatakpan na naman ang isyung kinakasangkutan ng kanyang pamilya sa National Broadband Network deal. Gaya ng pagbulusong noon ng Glorietta Bombing. Kung matatandaan, natabunan nito ang kasong Bribery kung saan nakatanggap ang mga ilang gobernador, at iilang kongresista ng salapi nang hindi malaman kung bakit sila binigyan.

Sa pagkapanalo g pambansang kamao, maari na naman niyang sabihin na isa itong tagumpay para sa kanyang administrasyon. Una, dahil sa tuwing nanalo si Manny, nagkakaisa ang buong bayan. Pero, ang totoo, naisasantabi at natatakpan nito ang tunay na isyung kinakaharap ng sambayanan.

Nakakalungkot kung iisipin ang pagkapanalo ni Pacquiao. Ngunit kung naging si Gloria, sa halip na si Marquez ang kalaban ni Manny. Malamang ikatutuwa ito ng batayang mamamayan. Malamang sa bawat sapak na matatamo ni Gloria, mapagtatanto niya ang galit ng buong sambayanan sa kanya habang palakpakang pinapanood at inaabangan ang bawat tumba niya.
Dahil, sa tunay na konteksto, wala ng puwang pang manatili ang isang papet, pasista, sinungaling at magnanakaw na pangulo para pamunuan pa ang bansang PIilipinas.

Pagod na ang Pilipino.
KUng ayaw bumaba ni Gloria, taumbayan ang magpapababa sa kanya.

Saturday, March 15, 2008

tama na sobra

Tama na, sobra na.

Labis na ang kasamaan ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo (PGMA) matapos nitong pagtakpan sa taumbayan ang kaso ng korapsyon. Sa halip na tugunan, at dagdagan ang badyet sa edukasyon, naging mas abala pa ang rehimeng Arroyo sa pangungurakot sa kabang yaman ng mamamayan.

Napakadaming mga kabataan ang makapaghanggang ngayon hindi makapag-aral dulot ng matinding kahirapan. Kasabay pa nito, ang matinding suliranin ng bawat estudyante at guro sa kakapusan ng pasilidad, aklat at iba pa. Ngunit lalong pinapatindi ng ganitong problema ng talamak na korapsyon.

Matapos ilantad ni Rodolfo Jun Lozada Jr ang pangalan ng pamilyang Arroyo sa isyu ng National Broadband Network o NBN Deal, sunod-sunod na rin ang paglalantad ng mga kaso ng katiwalian sa ilalim ng gobyernong Arroyo.

Nitong mga nakaraang lingo, maraming mga kilos protesta ang isinagawa at dinaluhan ng taumbayan laban sa swapang, magnanakaw at tiwaling gobyerno, nagpapakita lamang na naririndi at sawang-sawa na ang mga mamamayan sa nagsusulputang anomaly sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Samantala, nitong Pebrero 27, nagsama-sama ang iba’t-ibang organisasyon, at indibidwal sa pamantasang Normal upang bumuo ng isang nagkakaisang alyansa upang manindigan para sa katotohan, hustisya at pagbabago. Ito ang alyansang PNU Teacher and Students Advocate for Change ( PNU Teach).

Malaki ang kasalanan ng gobyerno sa pagkakasangkot nito sa katiwalian. Sa halaga at laki ng kickback ng gobyerno, malamang marami mga kabataan ang maari ng makapag-aral at marami na rin makakatikim ng maayos ng pasilidad sa unibersidad at paaralan. Maging ang mga guro, maaring makalasap ng sapat na trabaho at sahod.

Sa halip na maging modelo ang gobyernong ito sa ating mga kabataang estudyante, tinuturuan pa tayong maging tiwali, sinungaling at magnanakaw. Tayo ang susunod na guro ng bayan, kung kaya’t mahalaga na lumahok tayo sa bawat isyung mamamayan ang nasasagkan.

Mahalaga ang magiging gampanin nating mga iskolar ng bayan para sa pagkilos na ito. Bilang mga susunod na guro ng bayan, dapat tayo ang nagunguna para sa pagtuturo ng katotohanan. Mahalagang sa atin na mismo magsimula ang unti-unting pagbabago na nais nating makamit laban sa tiwaling gobyerno.

Panahon na para lagyan ng tuldok ang katiwalian at walang katarungan. Tama na, sobra na kung hahayaan pa natin ang mga magnanakaw ang mamuno sa ating bansa. Panahon para paalisin ang papet, pasista at mandarambong na pangulo.

Sumama at dumalo sa mga kilos protesta laban. Makibaka para sa pababago ng sistema. Goodbye Gloria!